Zsazsa Zaturnnah

Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.

Si ZsaZsa Zaturnnah ay isang tauhan ng Pinoy Komiks na nilikha at binigyang buhay ng Pilipinong mangguguhit na si Carlo Vergara noong Disyembre 2002. Magmula nang si ZsaZsa Zaturnnah o Zaturnnah ay nailathala, siya ay nabigyan ng pansin at pagkilala ng mga Pilipinong mamamahayag at kasalukuyang nagtatamasa ng paghanga mula sa kanyang mga mambabasa.

[baguhin] Buhay at Katauhan

Si Zaturnnah, isang napakalakas at napakagandang dilag na nagtataglay ng makapal at kulay rosas na buhok at ng maskuladong pangangatawan, ay nahahawig sa karakter ng DC Comics na si Wonder Woman at sa klasikong Filipina superhero na si Darna. Ang kapansin-pansing pagkakaiba ay ang kasarian at sexuality ng tunay niyang pagkatao na si Ada, na isang kilos-babaeng bakla. Habang tahimik na namumuhay bilang may-ari ng isang beauty parlor, si Ada ay makakatagpo ng isang kakaibang bato, na kapag nilulon, ay binabago ang kanyang kaanyuan para maging si Zsazsa Zaturnnah.

Nilayon ni Ada na patunayan sa kanyang sarili at sa kanyang mga magulang na kaya niyang mamuhay ng marangal bilang isang beautician, habang patuloy siyang binabalikan ng masalimuot na alaala ng kanyang nasirang ama. Ang kanyang ama ay mariin ang pagtutol sa pagiging bakla ni Ada, at nagawa pa nito maging ang pagbababad ng ulo ni Ada sa darak upang maipahiwatig ng lubos ang kanyang pagkaayaw. Ang naunang relasyon ni Ada sa lalaking nagngangalang Lester ay hindi rin nagtapos ng maganda. Ang kanyang mga karanasan sa buhay ang nag-udyok sa kanya na sarilinin ang lahat, na naging dahilan ng kanyang pagiging mistulang malamig at manhid, habang pilit niyang sinisimulan ang kanyang buhay mula sa pagpanaw ng kanyang mga magulang.

Sa isang maliit na pamayanan ay nangupahan si Ada ng isang lugar na pagmamay-ari ni Aling Britney, at doon ay nagtayo siya ng shop. Kasama ng kanyang alalay na si Didi, nagpatuloy si Ada sa kanyang buhay na pinaniwalaan niyang tahimik at normal. Hanggang sa bumagsak ang isang mahiwaga at kulay berdeng bato mula sa kalangitan, na nagbigay kay Ada ng kakayahang magpalit ng anyo at maging isang makapangyarihang babae sa tuwing ito ay kanyang lululunin at isisigaw ang salitang "Zaturnnah!" (na siyang nakaukit sa bato). Mapagmalaking binansagan ni Didi ang bagong tagapagtanggol na Zsazsa Zaturnnah.

Ang karakter ay unang lumitaw sa isang graphic novel, Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsazsa Zaturnnah, na isang sariling lathala at mayroong dalawang bahagi noong Disyembre 2002 at limitadong bilang ng mga kopya. Nang ang graphic novel ay nagwagi ng National Book Award noong 2003, na iginagawad ng Manila Critics Circle, nilapitan ni Vergara ang tagapaglathalang Visual Print Enterprises upang pagsamahin ang dalawang bahagi sa isang isyu at ipagbili sa buong Pilipinas.

Ang graphic novel ay nagkamit ng ika-12 pwesto sa listahan ng mga mabiling aklat ng Philippine fiction sa taong 2005, ayon sa mga tala ng National Bookstore, ang pinakamalaganap na tindahan ng aklat sa bansa. Ito rin ay ginagamit bilang sanggunian sa kursong gender studies sa ilang unibersidad, kabilang na ang Unibersidad ng Pilipinas.