Meron

Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.

Ang meron (being) ay hango mula sa salitang "mayroon". Binaybay ito ayon sa pang-araw-araw na pagbigkas sa mga pag-uusap. Halimbawa: "meron ka bang ibig sabihin", "meron akong kamatis", "meron siyang nakita".

Kusa nating naiintindihan na kabaligtaran ng salitang "meron" ang "wala". Kaya sa pagsasalin ng teknikal na salitang "being" (that which exists) ng mga babasahing pampilosopiya sa Ingles, mas angkop na salin ang "meron" kaysa sa katumbas nitong "pagiging" o "pag-iral".

Sa pag-aaral ng Kanluraning Pilosopiya, maraming napakabanyagang kaisipan na humahamon sa kakayahan nating makahanap ng angkop na katumbas sa ating wika. Ngunit totoo rin na kahit sa kanluran, napakahirap i-ugnay ang mga salitang may karaniwang gamit upang ipaliwanag ang mga teknikal nitong kahulugan sa pilosopiya. Sa metapisika, isang mahabang pag-aaral ang pagkakaiba ng "being" at "having". Itinuturing na isa si Aristoteles sa nagpasimula ng pag-aaral tungkol sa "meron" (being). Binigyan niya ng napakaeksaktong kahulugan ang "pinakabuod" (substance), bilang "isang bagay na maaaring bigyang-katiyakan". Para naman sa mga existensyalista at mga pilosopo sa kontinente ng Europa, walang ibig sabihin ang "meron" kung hindi ito nakaugnay sa iba pang mga bagay at sa mga kilos na isinasagawa nito. Kailangang tiyakin ang kahulugan ng "meron" bilang "pangmateryal" o "pampersonal".

[baguhin] Basahin din

[baguhin] Nakaturo sa Panlabas

Sa ibang wika